DALAWANG PANGAMBA
June 8, 2006
ni MYKEL ANDRADA
Dalawang pangamba ang matutunghayan sa sitwasyong pulitikal
sa Pilipinas. Ang dalawang pangambang ito ay mahigpit na magkaugnay. Anuman ang
kalagayan natin sa buhay, uri ng kabuhayan, at mga kinagawian, ang dalawang
pangambang ito ay hinding-hindi natin matatakasan.
Ang unang pangamba ay ang pangamba ng pamahalaan. Kahit na
anong pagkukubli ang gawin ng pamahalaan, hindi nito kayang itago ang kaniyang
pangamba. Nanginginig ang boses ng pangulong Gloria dahil sa pagsisinungaling.
Nanginginig ang mga kamay ng militar kapag nanduduro ng mga aktibista’t
progesibong tinatawag nilang “terorista,” “destabilizer,” o “latak ng lipunan.”
Nanginginig ang mga katawan ng iba’t ibang elemento ng pamahalaan kapag
nagpapalabas ng mga balita ng kasinungalingan ang Malakanyang.
Ang pinakamataas na uri ng kasinungalingan ng pamahalaan
ngayon ay ang pagsasabing matatag ang kaniyang republika. Makikita raw ito
diumano sa malakas na suportang militar sa gobyerno ni Arroyo. Ngunit ang
ganitong sitwasyon ay manipestasyon lamang ng isang nangangambang pamahalaan.
Sa panahon na walang tiwala ang mamamayan sa pamahalaan, pinatitindi ng
gobyerno ang pasismo. Samakatuwid, ang pasismo ng estado ang tiyak na sintomas
ng nangangamba’t naghihingalong panunungkulan.
Sa ganitong pangamba ng pamahalaan pumapasok ang kaakibat na
ikalawang pangamba: ang pangamba ng mamamayan. Dahil sa pasismo ng estado, tila
nagiging normal na sa mamamayan ang mangamba at matakot. Pinatitindi pa ito sa
pamamagitan ng pagliligalisa ng mga represyong pulitikal ng pamahalaan at agresyong
pulitikal ng militar sa pamamagitan ng mga hungkag na proklamasyon tulad ng PP
1017.
Ang pangangambang ito ay nabibigyang-mukha at pangalan ng
mga tala ng KARAPATAN, isang alyansa ng mga human rights advocate. Simula nang
maupo sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, humigit-kumulang sa 620
na ang mga kaso ng pulitikal na pagpaslang sa mga opisyal at miyembro ng mga
kilalang progresibong organisasyon tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela,
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at Kilusang Mayo Uno. Bukod dito, lampas sa
300 na ang kaso ng mga “attempted killings.”
Simula rin noong 2001, tinatayang nasa 128 na ang kaso ng
“political involuntary disappearances” o ang pagdukot at biglaang pagkawala ng
mga kasapi ng mga pulitikal na organisasyon at mardyinalisadong sektor. Gayundin,
nasa 50 na ang bilang ng mga lider-unyonista na nakaranas ng represyong
pulitikal mula sa gobyernong Arroyo.
Ngunit ang pangamba ng mamamayan ay hindi nangangahulugan ng
pagkukubli, pagtatago at pagsasawalang-bahala. Ang kondisyon ng pangamba ng
mamamayan ay sinusuri bilang sitwasyon ng pagbubuo ng pulitikal na
paninindigan. Kung kaya ang pangamba ay dapat maging tungtungan ng aktibong
paglahok upang mawala ang sanhi ng pangamba.
Entry Filed under: Uncategorized. .
1 Comment Add your own
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
1. Meg | June 16th, 2006 at 6:18 am
wow!