Di Masyadong Lumang Tula
May 21, 2007
PAGKATAPOS MANGALUMBABA
Mykel Andrada
Madalas nating tinatanong
Ang ating mga sarili
Kung bakit nangangalumbaba
Ang marami: sa pasimano,
Sa tambakan, sa karinderya,
Sa panulukan, sa tambayan,
Sa pabrika, sa sakahan,
Sa kanto ng lahat ng kanto,
Sa napakaraming sulok
Na nakatunganga:
Tila nagpapatalo
Sa lungsod na palalo.
Ngunit minsan,
ipinasalimpad mo Sa hangin
na ang ating tanong
Ay sing-palalo ng lungsod:
Laging naka-taas-noo, nakaismid,
Nakatanghod na tila mapang-aglahing
Bisor, solon, sundalo, pangulo.
Natagpuan ko ang sarili
Na biglang napa-pangalumbaba:
Ang tanong ba’y umiikot
Na parang pagpihit ng mundo
O umiigtad tulad ng saranggolang
Minsan nating pinalaya sa langit?
Natawa ka
noon
nang sabihin ko
Ang aking hinuha. “Sirkulo
Ng sentimentalidad ng lungsod,”
Sabi mo. At bigla mong nahigit
Ang mga sinulid ng aking mga labing
Lumalang ng nag-aatubiling ngiti.
“Kayraming kailangang ngumiti,”
Inihabol mo pa. Kaya sabi mo’y
Huwag kong ipagdamot.
“Oo nga,” sabi ko. Ang hilahil,
Ang pangamba, ang simangot,
Ang kapagalan, ang pangangalumbaba
– ang lahat ng sentimentalidad
Ng magkakambal na lungkot at hirap
Ay paghahanda para sa pamumutawi
Ng magkakapisang ngiti:
“Madaya ang lungsod
Bukod sa palalo.
Ang katuparan ng ngiti
Ay nasa mapupulang labi
Ng mga punglo.”
Entry Filed under: Uncategorized. .
1 Comment Add your own
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
1. Rozielyn Padilla | September 10th, 2009 at 1:33 am
hahah cute naman!